KORONADAL CITY – ISANG 8-storey hospital building ang itatayo sa Soccsksargen General Hospital o SGH sa Barangay Dajay, Surallah, South Cotabato. Ito ay bahagi ng target ng SGH na maging tertiary hospital at apex hospital sa region 12.
Kamakailan lang, isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa Phase 1 ng construction ng gusali na nagkakahalaga ng P 130 million. Ang pondo ay mula sa Health Facilities Enhancement Program ng DOH sa inisyatibo ni South Cotabato 2nd District Congressman Peter Miguel.
Kabilang sa Phase 1 o ground floor ng proposed 8-storey building ang dietary, at neonatal intensive care unit and delivery room complex.
Sa 2nd floor naman ilalagay ang operating rooms at burn units, at sa 3rd floor ang general intensive care units.
Samantala, ang 4th floor hanggang 7th floor ay gagawing medical wards at ang 8th floor ay posibleng gawing auditorium.
Ayon kay SGH Medical Center Chief Dr. Ceril Borromeo na ang construction ng buong building ay isinusulong sa ilalim ng multi-year contractual authority (MYCA) na kung maaaprubahan ng Department of Budget and Management o DBM, ay mayroong ilalaan na pondo kada taon upang makumpleto ang 8 palapag na gusali.
Nasa P 400 million ang inaasahang budget ng naturang hospital project kada taon. Napag-alaman na P 1.59 billion ang kabuuang halaga ng bagong pasilidad.
