Posibleng dagdagan pa ang mga VIP at mga bisita na maaaring makadalo ng personal sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa sa July 26, 2021.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, posibleng umabot sa 100 hanggang 200 ang makakapasok sa plenaryo ng Kamara para sa SONA 2021.
Plano ring i-adjust ang set-up ng mga okukupa sa plenaryo kung saan ang mga Senador at mga Kongresista ay sa plenaryo mismo sa first gallery habang ang ibang mga bisita ay nasa second gallery.
Titiyakin naman na lahat ng makakapasok sa plenaryo ay fully vaccinated na o naturukan na ng dalawang beses ng covid-19 vaccine.
Samantala, para naman masiguro na walang may covid-19 na makakalusot sa mismong okasyon ay hihingan sila ng negative RT-PCR test result at sasailalim sa rapid test sa mismong araw ng SONA.
Ipinunto naman ni Mendoza na ang government media pa rin ang tanging papayagang mag-cover sa SONA sa Batasang pambansa kagaya noong mga nakalipas na taon.