DOH, hinimok ang LGU’s na limitahan ang oras ng trabaho ng vaccinators para maiwasan ang pagkakamali

Inirerekomenda ng Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na pairalin ang “ideal ratio” para sa nagpapatuloy na vaccination program ng pamahalaan.

Ito ay kasunod ng insidente sa Makati City, kung saan hindi naiturok ng tama ng vaccinator ang bakuna kontra covid-19 sa recipient nito.

Paliwanag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang isang vaccination team ay dapat magkaroon ng anim na miyembro na maaaring makapagbakuna ng hindi bababa sa 100 indibidwal kada araw.

Read More:  DILG prepares 10K force for possible Bato arrest

Ito ay base aniya sa ginawang pag-aaral sa walong oras na bakunahan kontra covid-19.

Ipinunto ng opisyal na kailangang sundin ang ideal ratio sa bakunahan bukod pa sa dapat ay nagro-rotation o umiikot ang mga vaccinators upang makapagpahinga naman ang mga ito.

Dagdag pa ni Usec. Vergeire, huwag naman daw sanang sisihin ang mga healthcare workers gaya ng mga nagbabakuna lalo’t ang mahalaga ay naitama naman ang pagkakamali.  

Aniya, humihingi ng pang-unawa ang DOH mula sa publiko dahil napapagod din naman ang mga healthcare workers sa kanilang pagseserbisyo.

Read More:  DepEd launches disaster risk platform

Nagpapasalamat naman ang DOH sa mga taong nagpapadala ng mga katulad na video na nagpapakita ng gap o problema sa bakunahan para magawan aniya ng agarang aksyon.

Hinimok naman ng ahensya ang bawat lokal na pamahalaan na magdeploy ng supervisor sa mga vaccination site na siyang iikot at magoobserba kung walang problema sa bakunahan.

Para naman aniya sa mga babakunahan, maaaring mag-request sa vaccinator na makita ang hiringgilya bago at pagkatapos na maturukan upang malaman kung tamang naibigay ang covid-19 vaccine sa kanila.