Mas mahigpit na parusa laban sa illegal foreign workers, isinusulong sa Kamara

Pinalalagyan ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan ng ngipin ang batas laban sa ilegal na pagtatrabaho ng mga dayuhan sa bansa.

Nakapaloob ito sa House Bill 1279 na inihain ni Yamsuan sa gitna ng lumalalang problema sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Nais ng kongresista na magpataw ng pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon at limampung libong pisong multa kada taon laban sa mga dayuhan dahil sa “unlawful employment”.

Sa panukala ni Yamsuan ay tanging Department of Labor and Employment ang may kapangyarihan na magkaloob ng employment permit sa foreign workers na ang kumpanya ay sakop at nakarehistro sa areas of investment o designated economic zones.

Nag-ugat ang panukala nito sa pagkakaaresto ng tatlumpu’t pitong Chinese nationals sa Paranaque City na sangkot sa ilegal na operasyon kung saan ginagawang “front” ang mga restaurant.

Dagsa umano ang mga Chinese nationals sa ilang subdivision sa Paranaque kabilang ang Multinational Village sa Barangay Moonwalk at sila’y napag-alamang sangkot sa ilegal na POGO.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang sampung Chinese nationals sa Multinational Village dahil umano sa pagkakasangkot sa human trafficking.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *