Hinihiling ng grupong MANIBELA kay Pangulong Bongbong Marcos na sundin ang resolusyon ng senado na nananawagan na suspendihin ang PUV modernization program.
Ito ay matapos lumagda ang 22 senador sa resolusyon kung saan nakasaad na kailangan ng masusing pagsusuri at pagrerepaso sa epekto ng programa upang matugunan ang mga pangamba ng mga driver at operator na maapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Sa pulong balitaan ng MANIBELA sa Nagtahan Terminal sa Maynila, sinabi ni Mar Valbuena na sinusuportahan nila ang resolusyon ng senado.
Dagdag pa ni Valbuena, kung tama raw ang datos na nilalabas ng DOTR at LTFRB ay hindi raw sususpendihin ng Senado ang naturang programa.
Bukod sa Pangulo, nanawagan din sila sa kongreso na maglabas ng kaparehong resolusyon sa pagsuspinde sa Public Transport Modernization Program.
Samantala, nag-anunsyo ng 2 araw na libreng sakay nationwide ang grupo sa Lunes kung sakaling itutuloy ng tinaguriang Magnificent 7 ang pagsasagawa ng tigil-pasada para ipanawagan ang pagpapatuloy sa PUVMP.