Hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang mga Pilipino na ipagdiwang ang Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa sa pamamagitan ng pagkakaisa at malasakit para sa mas matatag at maalagang Pilipinas.
Ayon kay Romualdez, ang bawat kandilang sinisindihan at dasal na iniaalay ay paraan ng pag-alala sa mga sumakabilang buhay na nag-iwan ng bakas at ambag sa lipunan.
Nanawagan ito na ipagpatuloy ang iniwang pamana ng mga sumakabilang buhay sa pamamagitan ng kabutihan at pagkakaisa.
Bilang pagbibigay halaga sa mga araw na ito, hinikayat ni Romualdez ang mga Pilipino na gawing inspirasyon ang paggunitang ito upang tahakin ang kinabukasan.
Samantala, sa isang statement ay nagpaalala naman si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino na magsilbi nawang puso ng paggunita sa Undas ang kahalagahan ng mga santo sa ating paniniwala at sa pagsariwa sa alaala ng mga pumanaw na mahal sa buhay.
Binigyang-diin ni VP Sara na sana ay ipagdasal ang maluwalhating kapayapaan ng kaluluwa ng mga pumanaw kasabay ng pagpapasalamat sa kanilang pagmamahal at mga aral.
Alalahanin din sana aniya ang kabanalan ng mga santo na nagpapatatag sa pananampalataya sa Diyos.
Dagdag pa nito, panahon na para magsama-sama ang lahat sa pagdarasal para sa kapayapaan at katatagan sa harap ng mga hamon ng umano’y kasamaan, katiwalian at pansariling interes para sa yaman at kapangyarihan ng iilan.