Libu-libong mga guro mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang dumalo sa selebrasyon ng Teacher’s day na ginanap sa Araneta Coliseum kung saan panauhing pandangal si Pangulong Bongbong Marcos.
Sa kanyang talumpati, kinilala ng Pangulo ang malaking kontribusyon ng mga guro sa komunidad maging ang kanilang malaking sakripisyo sa paghubog ng isang indibidwal.
Muli ring pinagtibay ng Pangulo ang pangako nito na mapabuti ang kalagayan ng 860 thousand na mga guro sa bansa.
Kaugnay nito inisa-isa ng Pangulo ang mga programa para sa mga guro sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kabilang dito ang paglagda nya sa IRR para sa EO 174 o ang pagbibigay ng mas maraming opportunity para sa career advancement and professional development ng guro.
Nais ng Presidente na wala nang public school teacher na magreretirong teacher 1 lang ang ranggo.
Pinabilis din anya ang career path para sa mga public school administrator at ang pagsasabatas sa Kabalikat sa Pagtuturo Act, kung saan mabibigyan na ng sampung libong pisong teaching allowance ang mga guro simula sa susunod na school year.
Ilan pa sa inaprubahan ng Pangulo ay ang taas-sahod sa mga government employee kasama ang mga guro, ang pagbibigay ng P7,000 na medical allowance, at ang personal accident insurance policy mula sa GSIS.
At ang panghuli ay ang DepEd order number 005 series of 2024, kung saan isa sa probisyon nito ay ang fair at equitable teaching load sa mga guro.