Makabayan lawmaker, umapela ng “intense lobbying” ng Divorce Bill sa Senado

Nanawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas na magkaroon ng “intensed lobbying” sa Senado upang mapag-usapan at maipasa na rin ang panukalang Absolute Divorce.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Brosas na nananatiling hamon ang pag-apruba ng diborsyo sa Mataas na Kapulungan dahil kadalasang hindi ito umuusad kabilang na ang nangyari noong 17th Congress.

Hindi naman aniya kailangan ang Absolute Divorce sa mga mag-asawang masaya ang pagsasama kundi sa mga kababaihan na biktima ng pang-aabuso sa matagal na panahon.

Punto ng kongresista, binibigyan ng access sa murang proseso ang mga biktima dahil nasa 50,000 pesos ang pinakamababa na maaari nilang magastos sa ilalim ng panukala.

Nilinaw din ni Brosas na naabot nila ang majority vote sa quorum taliwas sa pahayag ni dating Senate President Tito Sotto dahil base sa update ng Office of the Secretary-General ay pumalo sa 131 ang bilang ng pumabor sa Divorce.

Magandang pangitain umano ito para sa mga mahihirap na matagal nang magkahiwalay ngunit hindi makakuha ng legal remedy dahil sa napakamahal na proseso gaya ng annulment.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *