Umapela si House Committee on Information and Communications Technology Chairman at Navotas Representative Toby Tiangco sa National Telecommunications Commission na makipag-ugnayan sa stakeholders upang solusyunan ang problema sa text scams sa bansa.
Ayon kay Tiangco, maaaring magsilbing “game-changer” ang mas mahigpit na implementasyon ng SIM Registration Act sa paglaban sa text scams.
Isa aniya sa mga dahilan ng pagsusulong ni Speaker Martin Romualdez sa naturang batas ay ang pag-institutionalize sa regulatory mechanisms na may kakayahang tugunan ang mga panloloko sa mabisang paraan.
Paliwanag nito, hindi malayong maipagpatuloy ang momentum sa pag-aresto sa mga indibidwal o organized syndicates na sangkot sa text scams kapag may ngipin ang pagpapatupad sa SIM Registration Act.
Binigyang-diin din ng kongresista ang mahalagang papel ng private sector sa pagsuporta sa mga pagsisikap ng gobyerno na pigilan ang cybercrimes at ang pangangailangan ng NTC na pangunahan ang collaborative programs.
Nakikipagpulong na umano ang NTC sa telco companies at SIM distributors at retailers.
Pero iginiit ni Tiangco na dapat na isama sa agenda ang specific initiative na magtataguyod ng kolaborasyon upang sugpuin ang mga scam.