CAMARINES NORTE- Aabot sa 85 violation tickets ang inisyu sa mga pasaway na motorista sa joint operation ng PNP Highway Patrol Group, Land Transportation Office (LTO) at local traffic enforcers sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Pamorangon sa bayan ng Daet at sa Barangay Tabugon, Sta Elena, Miyerkules ng umaga, Enero 11.
Sa ulat ng HPG Camarines Norte sa pamumuno ni Police Major Loreta Salgado, Provincial Officer, nasa 67 Traffic Citations Ticket (TCT) ang inisyu habang 18 naman ang mas mabigat na Temporary Operators Permit (TOP).
Ayon kay LTO Daet Assistant Chief Roberto Candelaria paglabag sa seatbelt law ang pinaka karaniwang violation na kanilang nahuhuli sa paulit- ulit nilang operasyon gayundin ang pagmamaneho ng walang lisensiya.
Pailan- ilan na lang umano ang kanilang nahuhuli na walang suot na helmet.
Sa naturang operasyon 12 ang natiketan dahil sa hindi pagamit ng seatbelt, sampu ang pagamit ng unauthorized helmet, 5 ang walang helmet ang iba pa ay iba’t- ibang violations.
Ani Candelaria ang kanilang ginagawang operasyon ay hindi lamang One Big Time operation kundi kailangan umano nilang maging visible dahil sa pagtaas ng datos ng mga nadidisgrasya sa kalsada.
Hindi lang aniya pag- iisyu ng ticket ang kanilang layunin kundi nagpapaalala rin umano sila sa mga motorista na mag- ingat sa pagmamaneho.
