Mga kaparian, relihiyoso at layko ng Diocese of Daet nagbigay pugay at pasasalamat sa yumaong Bishop Almoneda sa huling pagkakataon

CAMARINES NORTE- Nagbigay pugay at pasasalamat sa huling pagkakataon ang mga kaparian, relihiyoso at layko ng Diocese of Daet sa yumaong Bishop Emeritus Benjamin Almoneda na naging pastol nito sa loob ng 17 taon.

Pinangunahan ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang farewell mass sa yumaong Obispo sa huling gabi ng labi nito sa Holy Trinity Cathedral nitong Miyerkules, Enero 11, bago dalhin sa Angat, Bulacan kung saan ito ililibing.

Sa kaniyang homily sinabi ni Bishop Alarcon na habang ipinagdarasal si Bishop Ben ay maging aral daw sana sa lahat na ang bawat isa ay maging bukal ng awa, kabutihan at kabaitan tulad ng ipinamalas ng yumaong Obispo.

Read More:  DOH-XII records 277 new HIV cases in first quarter of 2026

May mga pagkakataon daw kasi na sa halip na mabubuting bagay ay nagiging bukal minsan ng tsismis, stress, pagdududa, panghihina, panghuhusga at masamang salita ang tao.

Hindi na inisa- isa  ni Bishop Alarcon ang mga naging ambag ni Bishop Ben sa Diocese of Daet pero kinilala nito ang mga nagawa ng huli.

Aniya kung ang yumaong Bishop Celestino Enverga na pinakaunang naging Obispo ng Daet ang nagtayo ng mga pundasyon, si Bishop Ben naman umano ang nagpatatag nito.

Nagpapasalamat rin umano sa Diyos ang komunidad ng Diocese of Daet dahil sa pagkakaloob nito ng pastol sa katauhan ni Bishop Ben na masasabing ang “prime” o “good” years nito ay inilaan sa Daet, sa mga taga Camarines Norte.

Read More:  18 street vendors selling soap along Cebu roads brought to police station

Nagpasalamat naman si Father Wilfred Almoneda ng Archdiocese of Caceres na pamangkin ng yumanong Obispo sa pagmamahal at panalangin na ipinamalas ng mga taga Camarines Norte sa kaniyang tiyuhin.

Aniya, pinakamahalaga kay Bishop Ben ang Eukaristiya at pamilya na siyang laging nagpapaalala sa kanila na palagiang manalangin at maging mabuti.

Presente rin sa misa ang ilang kaanak ng yumaong Obispo.