Mahigit 70% sa Bicol Region, nabakunahan na laban sa measles, rubella at oral polio – DOH Bicol

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol na halos nasa 77% na sa buong rehiyon ang nabakunahan na laban sa measles, rubella at oral polio.

Ito ay makalipas na isagawa at ipagpatuloy hanggang sa ngayon ang Supplemental Immunization Activity (SIA) ng nasabing ahensya.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay DOH Bicol Regional Director, Dr. Ernie Vera, sinabi niya na ito ang kasalukuyang naaabot mula sa target na 90-95%.

Ayon kay Vera, mabababa pa para sa ahensya ang porsyentong naaabot, at marami pang hahabulin kahit pa malapit nang matapos ang nasabing aktibidad.

Kung 77% pa lamang umano ang coverage, baka maabutan pa sila hanggang Miyerkules sa susunod na linggo upang magbakuna sa mga bata.

Aniya, malabo nang maabot pa ang target rate ngunit gagawin nila ang lahat na maabot kahit 80%.

Marami naman umano silang mga hakbang upang marami pang maabot ng bakuna – hindi na aniya sila tumitigil sa pagpapakiusap sa pamamagitan ng media upang matulungan sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa kahalagahan ng mga bakunang ito maging ng kanilang aktibidad.

Bukod dito, nakikipagtulungan na rin umano sila sa mga lokal na pamahalaan upang suportahan ang aktibidad, maging ang mga iba pang organisasyon sa pagbibigay ng mga medical advices.

Maliban dito, nagha-house to house vaccination na rin sila upang personal na mapuntahan ang mga bata.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *