Nailikas na sa Batangas ang tinatayang nasa 376 na pamilya matapos ang sunod-sunod na pagsabog ng Bulkang Taal simula pa noong Huwebes.
Base ito sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa isang public briefing ay sinabi ng NDRRMC na katumbas nito ang tinatayang nasa 1,495 na indibidwal.
Kaugnay nito ay sinabi ng ahensya na nasa kabuoang 46 na pamilya naman ang tumira sa kanilang mga malalapit na kamag-anak.

Inihayag naman ni Office of Civil Defense Undersecretary Ricardo Jalad na patuloy ang kanilang pagpapalikas mula sa tatlong barangay sa munisipalidad ng Agoncillo, at 2 sa munisipalidad ng Laurel.
Tinukoy niya ang sitwasyon bilang “challenging” dahil sa mababang rate ng evacuees.
Mababatid na kinokonsiderang high risk ang mga nasabing barangay dahil sa aktibidad ng bulkan.
Dahil dito ay sinabi ni Jalad na napilitan na silang humingi ng tulong sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa local government units, dahil ang kahulugan anya ng alert level 3 status ay mandatory evacuation para sa mga residente na nakatira malapit sa bulkan.