CAMARINES SUR – Mahigit 20,000 estudyante ang inaasahan ngayong pasukan sa apat na sangay ng Central Bicol State University of Agriculture sa darating na Agosto 19, 2024.
Inihayag sa Brigada News FM Naga ni Dr. Alberto Naperi, CBSUA President, na dominante pa rin naman sa mga kursong kinuha ng mga enrollees ang agriculture related courses. Katunayan, nagdagdag pa sila ng 10% slots para sa mga nais kumuha ng ganitong kurso upang maakomoda ang mga ito. Mayroon ding binuksang apat na bagong kurso ang unibersidad na siyang mas nagpadami sa kanilang mag-aaral.
Sa CBSUA Sipocot branch, tumanggap na sila ng tig-30 estudyante para sa kursong Mechanical Engineering, Communication Technology Engineering, Electronic Engineering, Electonics Technology Engineering. Tanging ang Sipocot branch lamang ang pinayagan ng Commission on Higher Education na tumanggap ng ganitong kurso dahil sa Sipocot lamang mayroong pasilidad na kayang palakasin ang kakayahan ng mga mag-aaral at magawa ang mga pagsasanay na ibibigay sa kanila.
Hindi pa man maialok sa ngayon ang apat na kurso sa Pili main campus at dalawang natitirang branch sa Calabanga at Pasacao, umaasa pa rin si Naperi na makakapaglagay din sila sa iba pang campus sa mga susunod na taon. Sa ngayon, patapos na ang enrollment sa nasabing unibersidad para sa S/Y 2024-2025. Ang CBSUA kilala bilang regional center for higher education in agriculture sa buong rehiyong Bicol.