Mahigit 20,000 health protocols violations ang naitala sa unang araw pa lamang ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region at ilang mga kalapit na lugar.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar, sa 20,511 violators, 5,782 ang di sumunod sa curfew hours, habang 14,775 ang lumabag sa minimum public health standards gaya ng di pagsusuot ng maayos ng face mask, di pagsusuot ng face shields, di pagsunod sa social distancing at iba pa.
Sa pagpapatupad ng uniform curfew hours, sinabi ni Eleazar na ang Metro Manila ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng violators na may 4,394, na sinundan ng Cavite na nakasailalim sa modified ECQ na mayroong 540 violators.
Mayroon namang naitalang 471 curfew violators sa Laguna, habang mayroong 370 violations ang Rizal na nakasailalim din sa MECQ.
Ang Bulacan naman na nakasailalim sa general community quarantine with heightened restrictions, ay nakapagtala ng anim na curfew violations.
Mababatid na ibinalik sa hard lockdown ang Metro Manila simula August 6 at mananatili hanggang 20 para mapigilan ang pagkalaut ng mas nakakahawang Delta variant ng coronavirus.

