CATANDUANES—Nasa kabuuang 2,400 buhay na mga pato at manok ang ipinamahagi ng Department of Agriculture sa nasa 264 na mga magsasaka sa islang lalawigan ng Catanduanes bilang bahagi ng kanilang Special Area for Agricultural Developement o (D.A-SAAD) Program.
Ayon sa ahensya, 17 Farmers’ Association mula sa mga bayan ng Bagamanoc, San Miguel, Bato, Baras, Gigmoto at Panganiban ang nabenipisyuhan ng nasabing programa.
Bukod sa mga alagaing hayop, kasabay ring ipinamahagi ang mga chicken feeds; laminated sacks; feeder drinker or waterer at iba pang mga kagamitan na kakailanganin sa pagsisimula ng poultry production.
Kaugnay nito, inihayag ni Bryan Estipono- presidente ng isa sa mga samahan ng mga magsasaka na naging benepisyaryo ng programa na malaki ang maitutulong sakanila ng proyekto para maitaguyod ang kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan.
Plano aniya nilang paitlugin ang mga manok at ibenta ang mga ito sa merkado habang gagamitin rin nila ang incubator na ibinigay ng D.A noong nakaraang taon upang maparami ang mga ito at maibenta rin.
Tinatayang aabot sa P8.5 million ang halaga ng pondong inilaan ng ahensya para sa Chicken Production project habang mahigit P4 million naman ang halaga ng pondong nagastos ng ahensya para sa Duck Production project ngayong 2021.###