BICOL – AARANGKADA na simula bukas, Marso 10 ang ika-apat na round ng ‘Bayanihan Bakunahan’ sa Bicol na inaasahang magtatagal ng hanggang Marso a-12.
Base sa National Vaccination Operations Center (NVOC), mayroong kabuuang target na 104,630 Bicolanos na mabakunahan sa naturang tatlong araw na aktibidad.
Sa bilang na ito, 38,626 ang target na mabigyan ng primary doses habang 66,004 ang inaasahang tatanggap ng kanilang booster shots.
Kaugnay nito, hinikayat ng ahensya ang mga unvaccinated individuals at ang mga eligible na tumanggap ng booster doses gayundin ang mga naka schedule nang tumanggap ng kanilang second dose na makiisa sa magaganap na bakunahan.
Ang booster doses umano ay ibinibigay tatlong buwan matapos maging fully vaccinated ang isang indibidwal, gamit ang COVID-19 vaccines tulad ng AstraZeneca, Gamaleya, Moderna, Pfizer-BioNTech, at Sinovac habang ang nakatanggap namang one-shot Janssen, ay maaari nang magpa-booster shot makalipas ang dalawang buwan.
Samantala, binigyang-diin ng ahensya na lumabas sa pag-aaral na ang bias ng primary doses ng mga bakuna ay maaaring mabawasan sa pagpalipas ng panahon kung kayat kinakailangan umano ang booster dose para matiyak ana mapapanatili ang effectiveness at dagdag na proteksyon laban sa mas malalang epekto ng COVID-19 pati na sa mga variants nito.