Muling nagpaalala ang mga otoridad sa mga magulang na hanggat maari huwag iwan ang mga bata mag-isa sa loob ng bahay.
Ito’y matapos maging abo ang magkapatid na paslit na magkasamang nasunog sa kanilang bahay sa Purok 7, Barangay Magbok, Tulunan, North Cotabato bandang alas 7:30 ng umaga nitong Miyerkules.
Sa ulat kinilala ang mga biktima na sina John Mike, tatlong taong gulang at John Kyle Barinbad isang taong gulang.
Sa imbestigasyon ng Tulunan Police Station, iniwan saglit ng ina ang magkapatid sa loob ng bahay at sinarado habang nasa sakahan naman ang ama ng mga bata.
Pinaniniwalaang naabot ng mga bata ang posporo o lighter na pinagmulan ng apoy hanggang lumaki, hindi na nakalabas ang mga bata at kasama sa nasunog.
Dala ng matinding paghihinagpis, sinubukan pa umanong tumalon ng nanay sa nagbabagang bahay, na agad namang napigilan ng mga kapitbahay.
Matapos ang insidente, agad na inilibing ang dalawang bata.