Binuksan na ng NIA – Magat River Integrated Irrigation System ang isang spillway gate ng Magat Dam kung saan nagpapakawala ito ng 144 cubic meter per second na tubig.
Inihayag ni NIA MARIIS Department Manager Engr. Gileu Michael Dimoloy, na ang pre-release na ito ay upang makontrol ang lebel ng tubig sa reservior at maiwasan ang pagbaha bunsod ng ulang dala ng bagyong Kristine.
Ang pumapasok ngayon aniya na tubig sa dam ay 150 – 200 cms kaya’t pinapayagan ang power generation na gumamit ng tubig na 350 – 400 cms.
Samantala, sa monitoring ng DPWH Region 2, passable pa ngayon lahat ng daanan at tulay sa rehiyon habang inirekomenda naman ni OCD Regional Director Leon DG Rafael na magkaroon na ng pre-emptive evacuation.
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development Region 2 na ang kabuoang P164.1 Million na halaga ng relief goods at standby funds ay makasasapat sa mga residenteng posibleng maapektuhan ng bagyo. (WITH REPORTS FROM ANGELIE DRIZ – 92.9 BNFM CAUAYAN CITY)