Emosyonal na ibinahagi ng dating alkalde ng Iloilo City na si Jed Patrick Mabilog ang banta sa kanyang buhay noong panahon ng administrasyong Duterte.
Sa pagharap ni Mabilog sa House Quad Comm hearing, sinabi nitong matapos siyang idawit ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte sa drug watchlist ay tumawag sa kanya si PNP Chief Ronald Dela Rosa upang igiit na naniniwala itong inosente siya.
Inimbitahan aniya siya sa Camp Crame upang mag-usap ngunit mayroon umanong PNP official na nag-text na huwag na siyang tumuloy dahil ise-set up at papatayin siya.
Pagbubunyag ni Mabilog, ang impormasyon mula sa naturang pulis ay pipilitin siyang idiin na sangkot sa ilegal na droga ang isang dating Presidential candidate sa katauhan ni Mar Roxas at isa pang dating senador.
Nagkataon naman na may speaking engagement sa Japan ang dating alkalde kaya nang malaman na plano siyang ipapatay ay dumeretso na siya patungong Amerika para magpasailalim sa political asylum.
Muli namang iginiit ni Mabilog na Wala siyang kinalaman sa ilegal na droga at sinira lamang umano ang kanyang pangalan pati na ang Iloilo na tinawag pang “shabulized city”.