Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang may pinakamababang COVID-19 vaccine coverage sa bansa dahil sa logistical issues na humahadlang sa delivery ng vaccine doses.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, nais ipabatid ng DOH sa lahat na binibigyan din ng mga bakuna ang BARMM pero naaapektuhan ng irregular flight schedules pati na ng local peace at order conflicts ang pagpapadala ng COVID-19 vaccines sa rehiyon.
Dagdag ni Cabotaje, mayroong large-capacity cold storage facilities ang mga lugar gaya ng Maguindanao at Lanao del Sur para sa paglalagak ng mga vaccines.
Aniya, ginagawa ng DOH ang mga hakbang kasama ang BARMM at ang development partners kung ano ang mga pwedeng gawing strategy lalo na para sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi areas.
Samantala, sinabi ni Cabotaje na ang mga lugar na mayroong pinakamataas na COVID-19 vaccine coverage ay Metro Manila at walong iba pang priority areas.
Mababatid na ang NCR Plus 8 at COVID-19 hotspots ay Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, Pampanga, Bulacan, Metro Cebu, at Metro Davao, na mga geographic priorities sa rollout ng COVID-19 shots.
Kabilang sa iba pang priority areas ang Baguio, Tuguegarao, Naga, Legaspi, Bacolod, Iloilo City, Dumaguete, Zamboanga City, Cagayan de Oro, at General Santos City.