Lucena City, nasa ‘very low risk’ na para sa COVID-19 — OCTA

Tinukoy ng independent OCTA Research group ang Lucena City na nasa “very low risk” na umano ngayon para sa COVID-19.

Ayon sa OCTA, ang capital city ng Quezon province ay nagtala ng -68% weekly growth rate sa mga kaso.

Ang reproduction rate naman ng naturang lungsod, o ang average number ng mga taong nahawa ng single case, ay bahagyang bumaba sa 0.13 mula sa nakaraang linggo na 0.17, habang ang average daily attack rate, o ang bilang ng mga bagong kaso araw-araw sa bawat 100,000 population, ay bumaba rin sa 0.79 mula sa 1.48.

Ang iba pang indikasyon na magsasabing gumanda ang sitwasyon ay kinabibilangan ng mababang healthcare utilization at positivity rates sa 15% at 3%.

Samantala, nananatili naman sa low risk ang Metro Manila, matapos magtala ng -38% weekly growth rate sa mga kaso, maging ang Angeles City, Bacolod, Dagupan, Lapu-Lapu, Olongapo, at Tacloban. //MHEL PACIA-TRINIDAD