LTO CALABARZON, NAGHAIN NA NG KASO LABAN SA ISANG COLORUM DRIVER SA TURBINA, CALAMBA CITY, LAGUNA

Batangas City – Naghain na ng kaso ang Land Transportation Office o LTO CALABARZON, ang isang driver ng colorum na van sa Turbina, Calamba City, Laguna.

Batay sa report, nitong Lunes nang magsagawa ng operasyon laban sa  “No Registration, No Travel Policy” at Anti-Colorum Enforcement ang mga tauhan  ng LTO.

Habang isinasagawa raw ang operasyon, napansin nila ang isang van na puno ng mga pasahero at nang tanungin ang sakay, inamin ng mga ito na nagbayad sila ng limang libong piso para ibyahe sila mula Taguig at patungong Pansol, Laguna.

Samantala, kaagad nilang hinanapan ng papeles ang driver ng van ngunit bigo itong magpakita ng kahit anong dokumento.

Sa ngayon ay nahaharap ang driver sa reklamong paglabag sa Section 18 in relation to Section 24 ng Commonwealth Act 146 na inamiyendahan ng RA 11659 o Public Service Act.