DPWH REGION IV-A, NAGBABALA HINGGIL SA MGA NAGPAPAKILALANG TAUHAN NILA UPANG MANULISIT SA PUBLIKO

Batangas City – Muling nagbabala ang Department of Public Works and Highways o DPWH Region lV-A sa publiko, patungkol sa mga nagpapakilalang tauhan nila at nanunulisit sa mga bahay-bahay.

Ayon sa inilabas na pahayag ng DPWH Region lV-A sa kanilang post sa social media, nakarating aniya sa kanila ang impormasyon na may gumagamit ng pangalan ni Cavite 1st District Engineer Rolando F. Valdez at ng mga staff nito para sa panunulisit.

Anila, walang kinalaman si Engineer Valdez sa ginagawang panunulisit at hindi rin ito awtorisadong manghingi ng pera sa publiko.

Payo nila sa publiko na maging mapagmatyag at huwag basta-basta maniwala kung mayroon mang magpapakilalang tauhan nila na humihingi ng mga pera.

Samantala, kung mayroon mang ibang mga ganitong pangyayari ay kaagad ipagbigay alam sa kanila upang maaksyunan.