BICOL – IKINATUWA ng Land Transportation Office sa Bicol ang magandang resulta ng mga ikinasang operasyon sa ibat ibang panig ng rehiyon kaugnay sa paggunita ng Undas ngayong taon.
Ayon sa ahensya, nakasailalim umano sa heightened alert status ang kanilang hanay kasabay ang DOTr kung saan lahat ng 13 opisina ng LTO – kasama ang Regional Law Enforcement Unit – ay nagsagawa ng iba’t-ibang enforcement activities mula October 29 hanggang November 2.
Kaugnay nito, tinutukan ng mga district at regional law enforcers ang pagiinspeksyon sa mga garage at terminal upang masiguro ang kahandaan ng mga babyaheng PUVs.
Kasabay nito ang pagtitiyak na nasusunod ng mga pampasaherong sasakyan ang mga health at safety protocols, partikular sa tinatawag na 7 Commandments ng DOTr.
Habang naka tutok umano ang roadside inspection sa mga areas of convergence upang magsilbing babala at paalala sa mga bumabyaheng motorista.
Nagtalaga rin ng mga tauhan ang mga LTO offices sa rehiyon na personal na magtutungo sa mga sementeryo upang magbigay ng public assistance at augmentation force ng PNP.
Gayundin ang pagsasagawa ng road safety awareness at information and education campaign sa pamamagitan ng pamimigay ng mga flyers sa mga motorista at pagsagot sa kanilang mga tanong.
Samantala, kaakibat ang ibang law enforcement agencies tulad ng PNP at HPG, ang OPLAN: Biyaheng Ayos Undas 2021 ay magpapatuloy hanggang ika-4 ng Nobyembre.