SORSOGON CITY – Pinabulaanan ng 93rd Civil Military Operations Company ang alegasyon na nanghaharas sila ng ilang kabataan sa Brgy Bitan-o sa lungsod na pinaghihinalaang ‘supporters’ ng rebeldeng grupong New People’s Army.
Sa ekslusibong panayam ng Brigada News sa team leader ng Quick Reaction Team ng CMO Coy na si Sgt Ranly Datu, sinabi nito na walang katotohanan ang nasabing akusasyon.
Aniya, nag-iimbita lamang sila at ang kanilang imbitasyon ay dumaan sa legal at tamang proseso kung saan saksi ang ilang opisyal ng barangay sa kanilang pag-iimbita ng dialogue sa mga kabataan ng nasabing barangay.
Dagdag pa ng opisyal na walang hangad ang kanilang hanay kundi magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga kabataan, sa halip na magbitbit ng armas para makipaglaban sa gobyerno o di kaya ay magbitbit ng plakards upang manawagang ibagsak ang pamahalaan.
Humiling ng kooperasyon ang Phil Army sa mga residente ng nasabing barangay, sa pamamagitan ng kanilang isinasagawang Community Support Program (CSP) upang matukoy ang mga indibidwal na miyembro na ng rebeldeng grupo para mapakiusapan ang mga ito na magbalik-loob sa pamahalaan.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang hanay ng Army sa Sorsogon na may ilang kabataan sa nasabing barangay na narekrut na ng NPA at ang ilan ay mga supporters na ng nasabing hukbo.

