Patay ang isang lolo matapos saksakin ng isang magsasaka sa P-5 Barangay Buhian lungsod ng Tabaco sa araw mismo ng bisperas ng bagong taon Disyembre 31, 2022.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jaime Casaul Bara, Jr., habang ang suspek naman ay si Redencio Vibal Buella, at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa report, nakipag-inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak nang dumating ang suspek sa nabanggit na lugar.
Kinompronta ng suspek ang biktima at dito na nagsimula ang suntukan ng mga ito.
Matapos nito ay tumakas na ang biktima, ngunit hinabol ito ng suspek at sinaksak ng ilang beses.
Naidala pa ang biktima sa Ziga Memorial Hospital ngunit idineklara itong DOA ng attending physician.
Ang suspek ay boluntaryong sumuko sa opisyal ng barangay at siya ay itinurn-over sa Tabaco CPS para sa kaukulang disposisyon.