BNFM BICOL—Inihayag ni Provincial DOH Officer Dr. Robert John Aquino na malabo pang maibalik ang face to face classes sa islang lalawigan ng Catanduanes.
Ayon kay Aquino, hanggang sa ngayon kase ay nakasailalim pa rin sa moderate risk ang COVID-19 status ng probinsya at batay sa anunsiyo ng Department of Education, tanging ang mga lugar na nasa low-risk areas lamang ang pahihintulutang mapabilang sa pilot implementation ng limited face to face classes.
Dagdag pa ng opisyal, batay sakanilang mga naging pagtatala nitong mga nagdaang linggo, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng sakit sa lalawigan kung saan base sa report ng DOH-Bicol kahapon, pumalo na sa 1,359 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Catanduanes kung saan 229 sa mga ito ang aktibong kaso.
Dahil dito, nakasailalim pa rin sa Alert Level 3 COVID-19 classification ang buong isla, kung kaya’t may hinala umano ang health department sa lalawigan na nakapasok na ang Delta variant sa lugar.
Matatandaan na una na ring inihayag ng DepEd-Bicol, na hindi pa nila makumpirma sa ngayon kung makakasama ang mga paaralan sa rehiyon sa isasagawang pilot testing ng limited face to face classes, dahil pa rin sa mataas na kaso ng COVID-19.###