NAGA CITY—Inalmahan ng Liga ng mga Barangay sa Camarines Sur ang naging pahayag ni Department of Interior and Local Government Under Secretary Martin Diño laban sa mga opisyal ng Barangay na hindi bakunado.
Sa isang pahayag sinabi ni Diño na magbitiw na lamang sa pwesto ang mga Barangay Officials na hindi pa bakunado kaysa pamarisan ng kanilang nasasakupan. Nakakahiya aniya ito.
Dapat din kasi aniya na kung sila ay maninita o kaya naman manghihiyakat sa mga tao na magpabakuna, dapat ang mga ito ang siyang unang nagpaturok.
Ayon kay Liga President at Ex-Officio Member ng Sangguniang Panlalawigan na si Nelly Largo, kontra sila sa pahayag na ito ng opisyal dahil mayroon naman talagang opisyal ng Barangay na hindi bakunado dahil sa mga balidong rason tulad ng sa medikal at pang-relihiyon na paniniwala na hindi maaaring pilitin sangayon sa RA 11525 o National Vaccination Program Act of 2021. Nakakalungkot aniya na imbes na tulungan sila ay baka lalo pang panghinaan ng loob ang mga ito sa paggampan sa kanilang tungkulin.