CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga Local Government Unit na paigtingin pa ang kanilang vaccination effort.
Ayon kay DILG Provincial Director Ray Caceres magpapalabas siya ng advisory sa pamamagitan ng mga Municipal Local Government Operations Officer (MLGOOs)upang paalalahanan ang mga Alkalde na paigtingin pa ang pagbabakuna sa kanilang nasasakupan.
Ito ay upang hindi aniya mabigyan ng show cause order ang mga ito lalo’t mayroong naging pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na nais nitong panagutin ang mga LGU na mabagal sa pagpapatupad ng vaccination drive.
Gayunman, nilinaw ni Caceres na sa ngayon ay wala pang inilalabas na specific guidelines ang nakatataas nilang opisina hinggil sa pahayag na ito ng Pangulo.
Kung maalala ay inihayag ng Punong Ehekutibo sa isa sa kaniyang televised talk to the nation na ipinag utos na niya kay Interior Secretary Eduardo Año na panagutin ang mga LGUs na mabagal ang vaccination drive.
Suportado naman ng DILG ang naging hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan na hindi na obligahin ang mga residente at turista na papasok sa Camarines Norte na sumailalim pa sa Antigen o RT- PCR test kung ito ay fully vaccinated na.
Matatandaan na sa naging panayam ng Brigada News FM Daet kay Governor Edgardo Tallado, sinabi nito na vaccination card, ID at travel pass na lang ang ipapakita sa checkpoint sa pagpasok sa lalawigan.
Sinabi din nito na mananatili pa rin ang Antigent test center sa border checkpoint.
