CAMARINES NORTE – Makakatanggap ng bangka mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ilang benepisyaryo mula sa unang distrito ng lalawigan ng Camarines Norte.
Ito ang inihayag ni Provincial Fishery Officer Rolando Tiam sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.
Ani Tiam, inaprobahan ng kanilang Regional Office ang kahilingan ng opisina ni First District Representative Josefina Tallado.
Aniya, 200 bangka sana ang hiniling ng kongresista pero lima lang ang naipagkaloob ng BFAR.
Paliwanag ni Tiam, bumaba kasi ang budget ng ahensiya kaya limang unit lang ang naipagkaloob nito.
Sa katunayan, sampung bangka lang talaga ngayon ang allocation ng BFAR sa lalawigan dahil sa limitadong budget.
Gayunman, maswerte pa rin aniya ang lalawigan dahil nasa 16 lahat ang naipagkaloob na bangka.
Lima umano dito ay ang kahilingan ng naturang mambabatas at ang limang iba pa ay naipagkaloob sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) habang ang anim ay para naman sa mga humihiling sa Provincial Office ng BFAR.
“Ang maganda nga po dahil out of ten na allocation dito sa atin sa ano, sa province ay nakadagdag po tayo ng another 6 na kung saan ito po yung dito rin sa atin sa opisina na mayroon din pong mga nagre- request ay napagbigyan po natin at saka yung sa NCIP, naka- request din po ng lima,” ani Tiam.
Ang mga bangka ay mayroon na ring makina at gamit sa pangingisda.
