Inupakan ng late-night host na si Jimmy Kimmel ang mga unvaccinated American kasabay ng pahayag na hindi nararapat na mabigyan ng ICU beds ang mga ito oras na ma-admit sa ospital dahil sa COVID-19.
Ang pahayag ni Kimmel ay kasunod ng pahayag ni National Institute of Allergy and Infectious Diseases Director Dr. Anthony Fauci na oras na mapuno na naman ang mga ospital dahil sa COVID-19 ay wala silang magagawa kundi ang gumawa ng mahirap na desisyon kung sino ang mga dapat na bigyan ng ICU beds.
Sinabi ni Kimmel na hindi na dapat pahirapan ang pagpapasya dahil kung siya ang masusunod ay walang karapatan sa ICU beds ang mga pasaway at patuloy na tumatanggi sa bakuna.
Hindi din nakaligtas sa banat ni Kimmel ang mga taong patuloy na komokontra sa warning FDA laban sa paggamit ng deworming medicine bilang gamot sa COVID-19.
Matatandaan na marami na ang kaso ng naospital dahil sa paggamit ng Ivermectin bilang gamot sa COVID-19 gayung nakalaan ito bilang anti-paracitic medicine.
