CAMARINES NORTE- Hinimok ng Provincial Health Office (PHO) ang mga Local Government Units (LGUs) na humingi ng tulong sa Department of Education (DepEd) sa gitna na rin ng kakulangan ng mga isolation facility dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID- 19.
Ayon kay Acting Provincial Health Officer (PHO) Dr. Arnel Francisco malaking tulong ang pagkakaroon ng marami at maayos na isolation facility sa kada munisipyo at barangay.
Gayunman nakadepende pa rin umano ito sa kakayahan ng mga Lokal na Pamahalaan na maglaan ng pondo para dito.
Kaya naman payo ni Francisco na huwag lang huminto sa ideya na magtayo ng mga Municipal at Barangay Isolation units.
Aniya maaari namang humiram ng classroom sa DepEd dahil bukod sa hindi na gagastos sa pagpapatayo ng struktura ay mas maayos pa umano ang mga ito.
Ayon naman sa DepEd mayroon na ngayong on going request mula sa mga LGUs para maging isolation facility ang mga eskwelahan.
Ang Regional Office pa rin naman daw ang mag aaproba ng request at tanging endorsement lang ang gagawin ng Division Office.
Ang hindi lang sigurado ngayon ay kung papayag ba ang DepEd na paglagyan ng mga COVID positive na asymptomatic at mayroong mild symptoms ang mga eskwelahan.
