Patay ang umano’y lasing na lalaking nag-amok at nanaksak ng sariling mga kamag-anak matapos na maagaw ng kanyang pinsan ang hawak na kutsilyo nito sa Barangay Balagtasin 1st, San Jose, Batangas kaninang madaling araw ng Martes, Abril 19.
Kinilala ang suspek na si Reonel Jobog, 42 anyos at residente ng naturang barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station, pinagsasaksak nito gamit ang kutsilyo ang kanyang tito at tita na sina Roland Jobog, 55 anyos at Maria Criselda Jobog, 50 anyos pati ang pinsan na si Romnick Jobog, 24 anyos.
Sa panayam ng Brigada News FM Batangas sa imbestigador na si PSSg Abner Umali Jr., sinabi nitong bago pa man ang insidente ay nagsisigaw na sa labas ang suspek na napag-alamang may problema sa pag-iisip.
Madalas umano niya itong gawin kapag nalalasing. Dahil dito ay hindi naman pinansin ng mga biktima ang pagsisigaw ng suspek dahil sa akalang lasing lamang ito.
Nagulat na lamang ang mga biktima ng sipain ng suspek ang pinto ng bahay at nang makapasok ay pinagsasaksak sa ibat-ibang parte ng katawan ang pinsan na si Romnick. Dito na siya sinubukang pigilan ng kanyang tito at tita na kanya ring sinaksak.
Ngunit nagawang maagaw ng kanyang pinsan na si Romnick ang kutsilyo matapos niya itong mabitawan.
Agad na gumanti si Romnick sa suspek bilang depensa.
Nakatakbo pa ang suspek subalit bumulagta na lamang ito dahil sa mga tinamong saksak.
Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang mga biktima habang idineklarang dead on arrival ng Kaagad namang dinala sa ospital ng mga rumespondeng pulis ang mga biktima pati ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Narekober ng mga pulis sa crime scene ang balisong at kutsilyo.
Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang tatlong biktima.