LEGAZPI CITY – Nananatiling pa ring Q Fever Free ang Lalawigan ng Albay. Ito ay kinumpirma mismo ni Albay Veterinary Office (AVO) Representative at Albay Park and Wildlife Manager na si Dr. Franz Colambo.
Binigyang-diin ni Colambo na ang Albay at ang mga kalapit nitong lalawigan ay nananatili pa ring Q Fever Infection Free, ngunit mariing pinapayuhan ang mga magsasaka at may-ari ng alagang hayop na alagaan ang kanilang mga hayop dahil anumang hayop ay maaaring maging carrier ng nasabing impeksyon.
Ayon pa sa nasabing doktor, ang impeksyon ay subclinical, ibig sabihin umano nitong ang mga nahawahan ay kadalasang asymptomatic, dahil hindi umano ito madaling matukoy. Ang mga halatang sintomas ay makikita lamang sa mga buntis o mga hayop na malapit nang manganak.
Sinabi pa ni Colambo na mahigpit ang AVO sa pagpapanatiling zero case ang lalawigan sa pamamagitan ng mahigpit na pagsubaybay sa mga border control ng Albay.
Kung matatandaan, ipinag-utos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay (PGA) ang pag-ban sa mga ruminant animals mula sa Pampangga at Marinduque na ipinapasok sa loob ng lalawigan ng Albay bilang pag-iingat sa banta ng zoonotic disease o Q Fever.
Tuloy-tuloy ngayon ang koordinasyon sa mga concerned agencies gayundin ang mahigpit na pagpapatupad ng Animal Quarantine Checkpoint.