CAMARINES NORTE- Timbog sa isinagawang buy bust operation ang isang lalaking tulak umano ng iligal na droga sa Purok 6, Brgy.Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte kahapon ng tanghali.
Ayon sa ulat ng Paracale Municipal Police Station, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Mark” 30 anyos, may kinakasama, walang trabaho at residente sa naturang lugar.
Inaresto ang nasabing suspek matapos na makabili umano ng isang piraso ng maliit na selyadong plastik na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu ang umaktong poseur buyer.
Nakuha rin sa pag iingat ng suspek ang tatlong piraso ng maliit na selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money.
Tinatayang umaabot sa 0.5 gramo ang nakuhang iligal na droga na may katumbas na halagang umaabot sa Php 2,000.00.
Nasa kustodiya na ngayon ng Paracale MPS ang naarestong personahe na mahaharap sa kasong paglabag sa Comperehensive Dangerous Drugs Act of 2022.
Ayon sa hepe ng Paracale MPS na si PMaj Edwin Adora patuloy nilang gagawin ang mga operasyon kontra kriminalidad at iligal na droga upang mapanatili ang kaayusan sa naturang bayan.
