LEGAZPI CITY – Sa patuloy na pagsasagawa ng kapulisan ng mga operasyon kontra iligal na droga, isa namang lalaki ang natiktikan ng mga operatiba sa lungsod ng Tabaco matapos na ipaabot ng mga mamamayan sa nasabing lugar ang pagbebenta di umano ng iligal na droga ni alyas Botay”, 23- anyos, manggagawa, at residente ng P-5, Brgy. Bombon ng nasabing lungsod.
Sa isinagawang “buy-bust operation” ng mga tauhan ng Tabaco CPS/City Drug Enforcement Unit, sa pakikipag-ugnayan nila sa PDEA5, hapon ng Miyerkules, ika-3 ng Nobyembre nitong taon, ay hindi na nakawala pa ang nabanggit na suspek na huling-huli sa akto ng pagbebenta ng isang (1) maliit na piraso ng plastik sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu sa halagang Php 2,000.00 sa isang operatiba na nagpanggap na poseur buyer.
Matapos isagawa ng kapulisan ang masusing paghahanap at pagmamarka ng mga ibedensiya sa harap mismo ng suspek at mga mandatoryong saksi, ay dinala na ang suspek sa himpilan ng pulisya ng Tabaco upang maisagawa ang pagdodokumentaryo para sa pagsampa ng kasong paglabag sa Sec 5, Article II ng RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drug Acts of 2002 laban sa kanya.