Lalaki sa South Korea may natagpuang $130,000 sa biniling second-hand na refrigerator

South Korea— Isa ka ba sa mga mahilig bumili ng mga second hand items, online at maging sa mga shop? Kung ganun, marahil naranasan mo na rin siguro na makatagpo ng mga nakasalipit na dolyar o iba pang mga bagay sa mga nabili mong segunda manong kagamitan.

Sa South Korea, tila palaisipan pa din hanggang sa ngayon kung sino ang nagmamay-ari ng natagpuang $130,000 o katumbas ng P6.5 million na halaga ng pera na naka tape sa ilalim ng isang second hand refrigerator.

Mismong ang nakabili nito ang nag report sa mga otoridad hinggil sa pagkakakatagpo niya ng limpak-limpak na pera mula sa second hand fridge na nabili niya online.

Bunsod nito, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad sa pamamagitan ng pag-alam sa katauhan ng seller nito at sakanyang mga delivery transactions.

Sa oras na hindi mahanap ang tunay na may-ari nito, ang nakuhang salapi ay mapupunta sa nakahanap nito habang kung mapapatunayan naman na ito ay mula sa nakaw o krimen, mapupunta ito sa pangangalaga ng kanilang gobyerno.

Kung ikaw ang nakabili ng second hand na ref at nakatagpo ng limpak-limpak na salapi, ipagbibigay alam mo ba ito sa mga otoridad Ka-Brigada? ### JUMEL DELA ROSA