Lalaking nanirahan sa kweba ng 2 dekada, bumaba upang magpabakuna

PIROT, Serbia—“Walang pinipili ang virus at tiyak na makakaabot ito kahit dito sa kwebang tinitirhan ko”. Ito ang pahayag ng 70-anyos na si Panta Petrovic ng Serbia kaya siya nagpaturok ng COVID-19 vaccine.

Ayon sa kanya, kung makukuha niya pa ang ikatlong dose ng bakuna o ang booster shot ay mas mainam. Hinikayat din nito ang lahat na magpabakuna na rin.

Si Petrovic ay dalawang dekada nang mag-isang naninirahan sa isang kweba sa kabunduakn ng Stara Planina sa Southern Serbia.

Noong nakaraang taon, sa kanyang pagbaba sa bayan ay nabalitaan niya ang tungkol sa pandemya kung kaya nag-abang ito na maging abilable ang bakuna at agad na nagpaturok.

Ang kwebang tinitirhan ni Petrovic ay mararating lang ng mga may malalakas ang loob na kayang umakyat sa matarik na bundok.

Mayroon itong lumang bathtub na nagsisilbing kubeta, ilang upuan at mga dayami na siyang nagsisilbing higaan nito.

Si Petrovic ay mula sa bayan ng Pirot kung saan nagtrabaho siya bilang laborer sa black market gaya ng kanyang dating naging trabaho abroad.

Makailang beses na rin siyang nagpakasal pero hindi rin nagtagal, ang buhay na tinawag niyang “hectic”.

Isa siyang nature lover at kalaunan ay napagtanto niyang ang paghiwalay sa pamayanan ang siyang magbibigay sa kanya ng hinahangad na kalayaan na hindi niya pa nararanasan.

Anya, hindi siya malaya sa syudad dahil laging mayroong makakasalamuha na maaaring makadiskusyon gaya ng asawa, kapitbahay o ang mga otoridad.

Doon daw sa kanyang kweba ay walang sinuman ang mag-aapura sa kanya o magdidikta ng kanyang dapat gawin.

Bago siya namuhay sa pusod ng kalikasan ay ibinigay ni Petrovic ang lahat ng kanyang perang naipon sa pagtrabaho abroad sa isang komunidad na ginamit naman sa pagpapatayo ng tatlong maliliit na tulay sa bayan.

Ayon sa kanya, isang sumpa ang pera na nakakasira sa tao at wala umanong ibang makakapagpasama sa tao tulad ng kayang gawin ng pera sa mga ito.  || Shiela Madrigalejos