Iraq– Nakatanggap ng Guinness World Record ang isang lalaki sa pamamagitan ng pagbalanse ng 18 itlog sa likod ng kanyang kamay sa Nasiriyha, Iraq.
Napantayan ng Iraqi na si Ibrahim Sadeq ang dami ng itlog na kayang balansehin ng dating may hawak ng rekord na si Jack Harris ng Britain, kaya sa kasalukuyan ay co-holder na sila sa titulong “Most eggs balanced on back of hand”.
Natuklasan ni Ibrahim ang kanyang kahusayan sa pagbabalanse matapos mamangha sa isang clip ng lalaki na nagbabalanse ng mga bato sa kalikasan.
Dahil dito, naging libangan na niya ang pagbabalanse ng mga bagay sa kanyang paligid. Nagsimulang magsanay si Ibrahim ng apat na beses sa isang linggo bilang paghahanda sa pagtatangkang makuha ang rekord.
Alinsunod sa mga alituntunin, ang mga itlog ay dapat manatiling balanse nang walang anumang iba pang suporta sa loob ng limang segundo.
Nang tinanong si Sadeq kung ano ang kanyang sikreto sa pagbabalanse, sinabi niya na kailangang magkaroon nang mahabang pasensya at matutong maging kalmado.### TRIXIE BORRAS, Intern