Dinampot ng mga barangay tanod ang isang lalaki matapos ireklamo ng pagpasok nito sa hindi niya bahay sa Purok Masaya Libis Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City.
Humingi ng saklolo sa mga tricycle driver sa lugar kahapon ang isang 19 anyos at 12 anyos na bata na nasa loob ng bahay.
Nagulat kasi sila nang biglang pumasok ang lalaki bago naligo sa kanilang banyo.
Kinilala ang lalaki na si German Mahusay 44 anyos, residente ng Sitio Panandigan Barangay Poblacion San Vicente Palawan.
Hindi umano nakausap ng maayos ang lalaki dahil umano sa kalasingan at paulit-ulit nitong binabanggit na mainit o naiinitan kaya siya naligo sa banyo.
Samantala, agad dumating ang magulang ng mga bata sa bahay at sinabihan ang lalaki na umuwi na lamang sa kanilang lugar at pinayuhan na huwag mag pagala-gala.
Kaugnay nito, iniuwi na kahapon sa bayan ng San Vicente ang lalaki.