Kakasuhan ng Davao City Police Office ang isang lalaki na nasa likod ng vandalism sa bahagi ng Davao City Coastal Road sa Brgy. Matina Aplaya.
Ang naturang lalaki nakuhanan ng video ng concerned citizen habang inilalagay ang mga katagang “Aliens are real, Samir Labawan needs help please Mayor Baste” gamit ang kulay blue na tinta.
Nasita pa ng uploader ang lalaki na agad tumugon at nagtaas ng kanyang kamay.
Mabilis namang inaksyunan at inimbestigahan ng Ecoland Police Station ang insidente at agad natukoy ang responsable.
Personal nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga kaanak ng lalaki at iginiit na may problema ito sa pag-iisip at sa kabila nito ay sasampahan pa rin ng kasong Malicious Mischief ang lalaki.
Pininturahan agad ang bahaging may vandal habang hindi naman hinuli ang suspek dahil sa kalagayan nito.