Lalaki, arestado dahil umano sa pagbebenta ng iligal na droga sa Cauayan City

Timbog ang isang lalaki sa umano’y pagbebenta ng iligal na droga sa Purok 6, Brgy San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Jerwin Muñoz, 33-anyos, may asawa, walang trabaho at residente ng Prk-7D District 1, Cauayan City.

Batay sa impormasyon mula sa Cauayan City Police Station, ikinasa ang naturang operasyon laban sa suspek katuwang ang PIU, PDEU Isabela kung saan positibo umanong nabili kay Muñoz ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Read More:  Woman rider suffers injuries after crashing due to stray dog crossing road in Aborlan

Tinatayang may timbang na 0.40 gram ang naturang shabu na may DDB value na 2,720 pesos.

Nakumpiska rin kay Muñoz ang isang piraso ng 1,000 peso bill, isang unit ng keypad cellphone at ang ginamit na motorsiklo.

Sa eksklusibong panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa suspek, sinabi niya na hindi sa kaniya ang narekober na kontra bando at hindi rin umano siya gumagamit.

Read More:  Mother nabbed in drug bust, 3 children left with neighbors

Kwento niya, mayroon lamang umanong nagyaya sa kaniya na isang babae ng inuman at sinabing magtutungo sila sa isang hotel sa lunsod at nagulat na lamang umano siya nang may dumating na mga pulis.

Samantala, batay pa sa ulat ng pulisya, napag-alaman din na si Muñoz ay kabilang sa DI list ng PNP.

Mahaharap si Muñoz sa kasong paglabag sa RA 9165 na sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng PNP Cauayan.