Mahigpit na binabantayan ngayon ng 2nd IPMFC ang Sittio Dumalinta sa Cordon, Isabela na nasasakupan ng NIA-MARIIS Dam and Reservoir Division upang mawakasan ang ilegal na pamumutol ng punongkahoy roon.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Engr. Carlo Ablan ,ang Acting Division Manager ng NIA MARIIS DRD, sumulat umano si PCapt. Val Simangan ng 2nd IPMFC sa kanilang tanggapan upang mapuntahan ang naturang lugar.
Ito aniya ay upang maberipika ang natanggap nilang report mula sa concerned citizen ukol sa ilegal na pamumutol ng kahoy sa lugar na ginagawang bangka o ibinebenta.
Ayon kay Engr. Ablan, nang nagtungo ang 2nd IPMFC kasama ang civil works section, administrative and finance section at watershed management section ng MARIIS DRD ay wala na umano silang nadatnan maliban sa 8 pinagputulan ng kahoy.
Dahil dito, hinimok aniya ni Pcapt. Simangan ang mga residente na boluntaryong i-surrender ang mga ginamit na chainsaw upang hindi na makasuhan ang mga ito ng illegal logging at paglabag sa RA 9165 o Chainsaw Act of 2002.
Dagdag pa ni Engr. Ablan, sa isang puno umano na mawawala sa watershed area ay maaring ma-expose ang kinatatayuan nitong lupa na magdudulot ng pagdaloy ng sediments na maaring makasira sa magat dam reservoir.
Nagpasalamat naman siya sa pamunuan ng 2nd IPMFC sa suporta at pagbabantay na isinasagawa sa nasasakupan ng NIA MARIIS DRD upang maprotektahan ang watershed areas.