Sisimulan na ngayong Hunyo ng pamunuan ng NIA- MARIIS Dam and Reservoir Division ang konstruksiyon ng sediment catchment structure sa watershed area ng Magat Dam sa Dalikdik, Cordon Isabela at Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, ang Acting Division Manager ng MARIIS DRD, nasa 6 na milyong piso ang inilaan ng tanggapan para sa konstruksyon nito na inaasahang matatapos sa December, 2021.
Aniya, ang naturang istraktura ang siyang haharang sa mga kahoy, branches o kawayan na ginamit sa paggawa ng fish cages na naagos sa creek.
Ito umano ay direktang napupunta sa magat reservoir kung saan isa ito sa malaking problema ng tanggapan tuwing may pagsalanta ng bagyo.
Dagdag pa ni Engr Ablan, makasasama ang mga sediment na direktang napupunta sa reservoir sa akumulasyon sa water management, flood control at produksyon ng enerhiya ng Magat Dam.
Makatutulong din aniya ang istraktura sa pag-iimbak ng tubig na maaring gamitin sa plantasyon.