Canada– Nagsilang ng pambihirang berdeng tuta ang isang aso sa Canada.
Ayon kina Trevor at Audra Mosher ng Middle Sackville na silang may-ari ng aso, ang 3-taong-gulang na bulldog ay nagsilang ng walong tuta ngunit agad nilang napansin na kakaiba ang isa sa mga ito na mayroong balahibong kulay berde.
Ayon sa mag-asawa, ang ikawalo at huling tuta na ipinanganak ay nakabalot sa isang itim na “sac”, kakaiba sa mga translucent sac ng mga nakatatandang kapatid nito.
Dagdag pa nila, noong una ay natakot sila na ang tuta ay ipinanganak na patay ngunit habang nililinis at pinapatuyo ito ay kanilang napansin na kulay berde ang tuta at inakala na may mali rito, kaya’t hinanap nila sa google ang sagot.
Kanilang napag-alaman na ang pambihirang pagkawala ng kulay, na naidokumento na noon pa, ay pinaniniwalaang sanhi ng mapusyaw na kulay ng tuta na nagkaroon ng contact sa mga berdeng pigment mula sa apdo habang nasa sinapupunan.
Sa kabilang banda sinabi ng mag-asawa na ang berdeng kulay ng tuta ay nagsimulang kumupas makalipas ang mga araw mula nang ito’y ipanganak, at ayon pa sa mga eksperto ay patuloy itong maglalaho sa mga darating na linggo hanggang sa tuluyan itong mawala.### TRIXIE BORRAS, Intern