Kontrobersyal na “PDEA Leaks”, bahagi lang ng destabilization laban kay PBBM – House leaders

Kumbinsido si House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre na ang testimonya ng dating agent ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na nagdidiin kay Pangulong Bongbong Marcos sa paggamit ng ilegal na droga ay bahagi lang ng destabilization o paninira sa administrasyon.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Acidre na nalilito at nagdududa siya sa biglaang paglutang ni Jonathan Morales sa pagdinig ng Senado upang akusahan ang pangulo na sangkot sa ilegal na droga.

Mapatutunayan aniya ng detalyadong paliwanag ng PDEA sa Senate hearing kung paano ma-computerize ang operational reports at ma-serialized kaya kuwestyonable ang mga pahayag ni Morales.

Nadismaya rin ang kongresista kay Senador Bato Dela Rosa dahil mas pinagkakatiwalaan umano nito ang isang kahina-hinalang source sa halip na PDEA patungkol sa leaked documents.

Mahalaga umano ang “objective evidence” kumpara sa alegasyon ng isang indibidwal lalo’t nagpresinta ng electronic records ang PDEA.

Pinuna naman ni Isabela Representative Inno Dy ang tila hindi pagtanggap ni Dela Rosa sa posisyon ng PDEA na posibleng magdulot ng implikasyon sa integridad ng ahensya.

Nagbabala si Dy laban sa mga impormasyon na natatagpuan online dahil sa panahon ngayon ay napakadali nang doktorin ang mga dokumento gamit ang artificial intelligence.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *