Virac, Catanduanes– Inihayag ni Virac MPS Chief, Police Major Antionio Perez, na umabot sa halos kalahating milyong piso ang halaga ng kanilang nalikom mula sa mga natiketan na motorista dahil sa paglabag at bayolasyon sa mga umiiral na ordinansa sa bayan ng Virac.
Ayon kay Perez, tinatayang aabot sa P472,955 ang kanilang nakolektang revenue mula sa mga pasaway na tricycle at pedicab drivers, mga tsuper at iba pang mga motorista.
Karamihan sa mga nagiging paglabag ng mga ito ay ang kawalan ng suot na facemask habang namamasada; hindi pagsusuot ng helmet at marami pang iba.
Sakabila nito sinabi ni Perez na hindi siya masaya sa mataas na nakolekta ng kanilang hepatura dahil nangangahulugan lamang ito na marami pa ring mga motorista sa Virac ang hindi sumusunod sa patakaran sa lansangan.
Sa pinakahuling tala ng kanilang tanggapan, nasa 1,722 na mga violators ang kanilang nasita at natiketan at umaasa umano ang opisyal na bababa ang bilang nito sa mga susunod na buwan.###