“Kilay is life!”
England— Iyan ang nauusong kasabihan ngayon ng mga kababaihan na hindi pwedeng pumasok sa trabaho, sa eskwela o kahit umalis ng bahay na hindi nakakapag-ayos ng kilay.
Ganunpaman, hindi lahat ng babae sa mundo ay nabiyayaan ng magandang tubo at hugis ng “eyebrows” kung kaya’t sa tulong ng mga makabagong teknolohiya, samu’t-saring eyebrow treatment ang nauuso ngayong panahon kagaya ng micro blading, brow laminating at ang sikat na sikat na “eyebrow implant.”
Sa bansang England, usap-usapan ngayon ang babaeng si Isabelle Kutxi na dumayo pa sa bansang Poland upang sumailalim sa eyebrow implant.
Dalaga pa lamang umano ay problemado na si Isabelle sakanyang kilay dahil bukod sa ito ay manipis ay hindi rin maganda ang tubo nito kung kaya’t araw-araw ay inaabot siya ng kalahating oras sa pag-aayos ng kanyang kilay.
Dahil dito napag desisyunan niyang lumipad patungo sa Poland upang sumailaim sa tatlong oras na procedure na nagkakahalagang £1,500 na katumbas ng mahigit P100,000.
Sa naturang procedure, kinunan siya ng buhok mula sa likod na bahagi ng kanyang ulo at ito ang inimplant sakanyang kilay.
Naging maganda naman ang resulta at kinahinatnan ng kanyang pagpapa implant ngunit kinakailangan niya lamang gupitin ang mga ito dahil patuloy pa rin ang mga ito sa paghaba.
Dagdag pa ni Isabelle, hindi na rin ito problema sakanya at sa katotohahanan aniya ay mas domoble na ngayon ang kanyang self-confidence at hindi na rin siya nahihiyang humarap sa camera.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol