CAMARINES SUR — Isa sa mga itinuturong nagpatagal sa pag-apula ng sunog na gumising sa mga residente sa barangay Tambang, Tinambac Camarines Sur, at tumupok sa limang business establishment at isang residential area, ang kawalan ng fire hydrant, at distansya nito sa kalapit na estasyon ng bombero.
Ayon kay Senior Fire Officer 3, Damaso Boncodin, Officer-in-Charge ng Bureau of Fire Protection Tinambac, kinailangan pang bumalik sa sentro, halos 18 kilometro ang layo, upang mag-refill ng tubig. Tumulong na rin ang mga bombero sa kalapit na bayan ng Calabanga, Goa, at Lagonoy, ngunit inabot ng ilang oras ang pag-aapula ng sunog simula alas tres hanggang alas sais ng umaga, sa unang araw ng Hulyo.
Bagaman matagal nang panawagan ng barangay, ayon kay SK Chairman Raymund John Belgica, ang pagkakaroon ng BFP sub-station at police station dahil sa layo nito sa kasentruhan at ilang insidente na rin ng nakawan, nanatili pa rin aniya itong nakabinbin. Sa ngayon, magsasagawa ang Barangay, ayon sa opisyal, ng mga training seminar sa mga residente upang maging handa ang mga ito sa mga gagawin kapag may mga kaparehong insidente.